AFP, naka-high alert sa gitna ng pagtugis sa mga miyembro ng Maute Group na responsable sa Marawi City Jail break
Inilagay ng Armed Forces of the Philippines sa high alert ang kanilang puwersa sa gitna ng pagtugis sa mga miyembro ng ISIS-inspired Maute Group, na nasa likod ng Marawi City Jail attack para itakas ang kanilang mga nakakulong na kasamahan.
Ayon kay Brig. Gen. Restituto Padilla, ipinakalat na nila sa government security forces ang litrato ng mga pumuga na miyembro ng Maute Group.
Matatandaang tinatayang nasa limampung suspected members ng Maute Group ang lumusob sa Marawi City Jail noong nakaraang Sabado para iligtas ang walo sa kanilang mga miyembro na naaresto sa isang checkpoint habang sakay ng isang behikulo na may mga kargang sangkap sa paggawa ng bomba.
Dalawampu pang ibang mga preso ang nakatakas din sa naturang paglusob.
Nabatid na maging si Jail Officer 3 Modasir Manwang ay kasama sa mga tinangay ng mga rebelde pati na ang isang M16 rifle, isang M14 rifle at Mitsubishi vehicle.
Pinakawalan naman ng grupo si Manwang at dalawampung inmates sa Brgy. Caloocan sa Marawi City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.