SC Chief Justice Sereno, tinukoy ang mga rason kung bakit nababasura ang mga kasong may kinalaman sa droga
Maraming mga kasong may kinalaman sa droga ang nababasura.
Mismong si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang naglahad ng tatlong dahilan.
Ito ay dahil sa hindi pagsipot ng mga police witness; kakulangan ng mga prosecutor at public attorney at kawalan ng sapat na ebidensya mula sa panig ng prosekusyon.
Ipinunto pa ni Sereno na sa kasalukuyan, mula sa 439,606 na kabuuang bilang ng mga nakabinbing kaso sa mga lower court, higit 128 libo dito ay may kinalaman sa droga.
Ang nasabing datos ay naitala nitong May 2016, higit isang buwan bago magsimula ang Administrasyong Duterte.
Tumaas umano ng 47-percent ang case inflow o naihahaing kaso nitong 2015 kumpara nuong 2014.
Sa Korte Suprema, 469 na ang nakabinbing drug cases.
Pero puna ng hudikatura, sa harap ng pagdami ng mga naisasampang kaso na may kinalaman sa droga, kulang naman ang mga prosecutor na uusig ng kaso.
Kaya para aniya masabayan ang repormang ginagawa ng hudikatura para mapaghusay ang sistema ng hustisya sa bansa, kailangan umanong magtalaga ang ehekutibo ng tig- dalawang piskal at dalawang public attorneys lawyer sa bawat hukuman.
Dahil sa mga kakulangang ito, naniniwala si Sereno na hindi makatwirang sisihin ang hudikatura sa pagkukulang ng ilang ahensya ng pamahalaan lalu na kung hindi naman naisampa ang kaukulang kaso at hindi rin nakapaglahad ng sapat na ebidensya para madiin ang mga akusado sa droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.