Ayon kay Alvarez, ang mga nabanggit ay isa sa dahilan kung bakit pabor siyang maipagpaliban ang Barangay at SK elections sa Oktubre 31, 2016.
Paliwanag ni Alvarez, kung tutuusin ay mayroon namang representasyon ang mga kabataan, gaya ng Kabataan Partylist group na may kinatawan sa Mababang Kapulungan.
Matatandaan na sa nakaraang halalan, hindi nagkaroon ng SK polls matapos ipagpaliban muna para bigyang-daan ang isinulong na SK Reform Act sa ilalim ng Aquino administration.
Sa ilalim ng SK Reform Act, ang age requirement para sa SK officials ay itinaas mula sa 15-17 anyos sa 18-24 anyos.
Kinakailangan din silang sumailalim sa leadership training for good government practices at fiscal transparency.
Sa ilalim nito ay nagkaroon rin ng Anti-Dynasty provision kung saan hindi pinapayagang makatakbo sa SK post ang kamag-anak ng sinumang incumbent officials hanggang second level of affinity at consanguinity.
Sa panig naman ng mga barangay kagawad, sinabi ni Alvarez na hindi naman talaga sila nagtatrabaho kung tutuusin.
Kung titingnan aniya, ang mga kapitan ng barangay lamang ang nagtatrabaho.
Sa halip, iminungkahi ni Alvarez na palitan ang mga barangay kagawad ng purok leaders.
Ang isang purok ay mayroong cluster na 20 hanggang 50 pamilya.