Natagpuan na ang bangkay ng dalawang nawawalang sakay ng bumagsak na civilian chopper sa kabundukang sakop ng Barangay Umiray, General Nakar, Quezon.
Ayon kay Lt.Col. Ramil Anoyo, commander ng 48th Infantry Battallion ng Philippine Army, nakita ang bangkay nina ret Col. Miguel Lobronio at co-pilot na si Jay Gregorio bago mag alas kwatro ngayong hapon.
Sinabi ni Anoyo na natagpuan ang mga ito na naagnas na sa lugar kung saan bumagsak ang chopper na may body number RP-C2688 na pag-aari ng Marco-Asia na kinomisyon ng CAVDEAL Construction International. Nahirapan ang mga tauhan ng 48th IB ng Army na marating ang lugar dahil sa napakalayo at masamang panahon doon.
Bumagsak ang nasabing chopper noong Lunes ng umaga habang ito ay patungo sa Sumag River, Brgy. Umiray Gen. Nakar, Quezon mula sa MWSS Compound sa Brgy. Bigte, Norzagaray, Bulacan.
Susunduin sana ng chopper ang mga rescuer mula sa Philex Mining na tumulong sa paghahanap sa mga nasawing minero na natrap sa ginagawang Umiray-Angat Trans-Basin tunnel na siyang magdadala ng tubig mula Umiray River patungong Angat Dam sa Bulacan sa pamamagitan ng MWSS.
Nauna nang na-trap sa nasabing tunnel ang pitong minero dalawang linggo na ang nakalipas kung saan isa ang nakaligtas at anim ang nasawi.
Ang mga ito ay manggagawa ng CAVDEAL na contractor ng MWSS para sa nasabing proyekto.
Sa ngayon, wala pa ring pahayag ang CAVDEAL sa insidente.