Naghain ng not guilty plea sa Sandiganbayan si Optical Media (OMB) Board Chairman Ronie Ricketts sa kasong graft na isinampa sa kaniya ng Office of the Ombudsman dahil sa umano ay maanomalyang pag-pullout sa mga nasabat na pirated DVDs sa isang kumpanya noong March 2010.
Isinagawa ang arraignment kay Ricketts sa Sandiganbayan 4th Division, Huwebes ng umaga. Kasama ni Ricketts na isinailalim sa arraignment sina Manuel Mangubat, ng OMB Enforcement and Inspection Division, Joseph ARnaldo, Investigation Agent 1 ng OMB at Computer operator Gleen Perez.
Sa reklamo ng Ombudsman, pinaburan umano ni Ricketts at ng tatlo pang akusado agn Sky High Marketing Corporation nang kumpiskahin ang mga piniratang DVDs at VCDs sa nasabing kumpanya na kalaunan ay ibinalik din.
May 27, 2010 nang mag-operate ang OMB at masabat nito ang aabot sa 127 na kahon at dalawang sakong puno ng mga pirated DVDs at VCDs sa Quiapo Maynila. Dinala pa sa tanggapan ng OMB ang mga nasabat na produkto pero inilabas ito sa tanggapan noon ding araw na iyon nang walang aprubadong gate pass.
Sa August 13, 2015 naman nakatakda ang arraignment sa isa pang akusado sa kaso na si OMB Executive Director Cyrus Paul Valenzuela./ Jimmy Tamayo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.