Duterte: “Wala akong sakit, migraine lang”

By Den Macaranas August 27, 2016 - 10:16 AM

duterte
Inquirer file photo

Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang malalang sakit taliwas sa mga inilulutang ng kanyang mga kritiko.

Sa kanyang pakikipagpulong sa mga sundalo sa Panacan, Davao City ay ipinaliwanag ni Duterte na dumanas siya ng grabeng migraine noong Huwebes.

Ito umano ang dahilan kaya hindi siya nakadalo sa dalawang events na dapat niyang puntahan sa Eastern Visayas.

Kabilang na dito ang nakatakda sanang pagbisita sa lamay ni PO1 Gary Cabaguing na napatay sa isang anti-drug operation sa Samar.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesman Ernie Abella na may importante at personal na bagay lang na inaayos ang pangulo kaya hindi isya nakapunta sa mga commitment niya noong Huwebes.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Duterte na hanggang ngayon ay dinaramdam niya ang “misaligned spine” na kanyang nakuha sa motorcycle accident ilang taon na ang nakalilipas.

Pero kanyang nilinaw na hindi ito malala tulad ng inilulutang ng kanyang mga kritiko.

Bago ang eleksyon noong Mayo ay inamin rin ni Duterte na mayroon siyang Buerger’s disease na nagdudulot ng pagsisikip ng blood vessels dahil sa nicotine.

 

Nagkaroon rin siya ng Barret’s esophagus na dahilan kung bakit lagi niyang dinidiinan ang kanang bahagi ng kanyang leeg.

TAGS: abella, duterte, migraine, panacan, abella, duterte, migraine, panacan

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.