Municipal administrator sa Isabela, patay sa pamamaril

By Kabie Aenlle August 27, 2016 - 04:43 AM

Jones IsabelaHindi pa rin matukoy ng mga pulis kung ano ang dahilan ng pagpatay sa municipal administrator ng Jones, Isabela noong Huwebes.

Naganap ang insidente pasado alas-5:00 ng hapon ng Huwebes, sa Barangay Uno sa bayan ng Jones.

Base sa police report, pagkababa ng biktimang si Noimi Guerrero mula sa service vehicle niya sa tapat mismo ng kaniyang tinitirhang bahay, kinausap niya ang may-ari nito nang biglang may lumapit sa kaniyang dalawang lalaki.

Isa sa mga suspek ay armado ng cal. .45 na baril, at pinaputukan agad si Guerrero sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nang subukang tumakbo ng biktima, binaril muli siya ng mga suspek sa paa.

Ayon sa mga pulis, umabot sa limang tama ng bala ang natamo ni Guerrero.

Unang dinala si Guerrero sa Prospero Bello Integrated Community Hospital, at inilipat sa Isabela South Specialists Hospital kung saan siya idineklarang patay.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy na kung sino ang mga suspek at ano ang motibo ng mga ito sa pagpatay kay Guerrero.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.