3 bihag ng NPA pinakawalan na, 4 na iba pa, palalayain ngayong araw
Pinakawalan na ng New People’s Army (NPA) ang tatlo sa pito nilang bihag kahapon, kasabay ng pangakong palalayain nila ang apat na iba pa ngayong araw.
Kabilang sa mga pinalaya ay sina PO1 Richard Yu ng Carmen, Surigao del Sur police station, Chief Insp. Arnold Ongachen na hepe ng Gov. Generoso sa Davao Oriental, at si PO1 Michael Grande ng Banaybanay sa Davao Oriental.
Si Yu na kabilang sa mga unang pinakawalan ng NPA kahapon sa kasagsagan ng peace talks sa Oslo, Norway, ay dinukot noong July 5 dahil sa hinihinalang pagkakasangkot nito sa kalakalan ng iligal na droga.
Ibinigay ng NPA si Yu sa kaniyang pamilya, habang sina Ongachen naman at Grande ay sinalubong ni Sen. Manny Pacquiao kasama ang iba pang opisyal ng Sarangani at Davao City.
Si Ongachen ay dinukot ng mga NPA sa isang raid sa Gov. Generoso police station sa May 29, habang si Grande naman ay dinukot sa Lupon, Davao Oriental noong June 19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.