Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang condominium unit sa Barangay Highway Hills sa Mandaluyong City.
Nakumpiska mula sa condo unit ang aabot sa P1.2 milyon halaga ng party drugs na kinabibilangan ng mga ecstasy, cocaine, valium, marijuana at iba pa.
Nadakip sa nasabing operasyon ang dalawang suspek na sina Jervy Lee at Ronald Fronda.
Mariin namang itinanggi ng dalawa na sila ay supplier ng party drugs.
Hindi rin umano sila ang may-ari ng sinalakay na unit at sa halip ay pawang caretakers lamang.
Ayon kay Lee na self-confessed HIV positive, nagpapahinga lamang siya sa kaniyang unit nang dumating ang mga otoridad para siya ay arestuhin.
Hindi umano siya supplier ng party drugs at lalong hindi gumagamit dahil lalo itong makasasama sa kaniyang kalusugan.
Hinala ng PDEA, may kaugnayan ang sinalakay nilang condo unit at ang mga naarestong suspek sa pagsusuplay ng party drugs sa naganap na forever summer concert sa Mall of Asia sa Pasay City na ikinasawi ng mga partygoers noong May 2016.