Sandra Cam, may ibubunyag pang pasabog umano laban kay De Lima

 

Inquirer file photo

Nagbabala ang dating whistleblower na si Sandra Cam na ilalahad niya pa ang iba pang mga kalokohan ni Sen. Leila de Lima bilang dating Justice Secretary.

Ito’y matapos tawagin ni De Lima na basura ang inilabas na matrix ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-uugnay sa kaniya at sa kaniyang umano’y karelasyon na si Ronnie Dayan sa operasyon ng iligal na droga.

Ayon kay Cam, matapos ang ilang taon na hindi siya pinapansin sa kaniyang mga sinasabi, pakiramdam niya ay parang naipaghiganti siya nang mismong ang pangulo ang bumanat kay De Lima kaugnay sa iligal na droga.

Banta niya kay De Lima, huwag nang tawaging kabulastugan ang mga ibinubunyag laban sa kaniya dahil kaya ni Cam na maglabas pa ng iba pang ebidensya na lalong magdidiin sa senadora.

Nilinaw naman ni Cam na hindi nanggaling sa kaniya ang impormasyong hawak ng pangulo, at sinabing napakalawak ng mga koneksyon at intelligence network nito na makapagbibigay sa kaniya ng ebidensya laban kay De Lima.

Ayon pa kay Cam, pinoprotektahan ni De Lima ang preso sa National Bilibid Prison (NBP) na drug lord na si Jaybee Sebastian kaya hindi ito nasasama sa mga surprise raids.

Dagdag niya pa, ang isa pang preso na si Charlie Quidato ay nag-text sa kaniya isang linggo bago ito mapatay sa loob ng Bilibid na nalaman ni Sebastian na siya ang nagbibigay ng impormasyon sa mga intelligence operatives kaugnay sa koneksyon ni De Lima sa Commando Gang.

Read more...