Libingan ng mga Bayani, dapat palitan na ng pangalan-Roque
Sa gitna ng mainit na isyu kung dapat bang ilibing sa libingan ng mga bayani si dating Pangulong Ferdinand Marcos, isinusulong ng isang kongresista ang pagpapalit sa pangalan ng libingan.
Sa panukala ni Kabayan Partylist Rep. Harry Roque nais nitong palitan ang pangalan ng Libingan ng mga Bayani at gawing” Libingan ng mga Bayani at mga Dating Pangulo.”
Ayon sa kongresista, maraming Pilipino ang dismayado sa hakbang na ito dahil para sa kanila ay hindi bayani si Marcos.
Ang ilan ay iginigiit naman ang maraming naging mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng martial law.
Kaya kung papalitan anya ang pangalan ng Libingan ng mga Bayani, bahala na ang mga tao na magpasya kung bayani o hindi ang tingin nila sa dating presidente.
Sa ganitong paraan, marerespeto aniya ang alaala ng mga biktima ng human rights violation habang maihahatid rin sa huling hantungan ang dating presidente.
Sang ayon naman rito si Buhay Partylist Lito Atienza, isa sa mga kritiko noon ni Marcos, pero ngayon ay sang ayon naring mailibing sa libingan ng mga bayani ang dating pangulo.
Para kay Atienza, hindi lang naman talaga dapat mga bayani ang mailibing roon kundi maging lahat ng pumanaw na dating pangulo ng bansa.
Kung tutuusin nga ayon kay Atienza dapat ay dati pa itong nagawa.
Si dating Pangulong Marcos ay nakatakda ilibing sa Setyembre 18 pero depende ito sa magiging desisyon ng Korte Suprema.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.