Kakulangan ng abugado, isa sa dahilan kaya’t nababasura ang mga drug cases-Sereno

 

File Photo/CDN

Kakulangan ng mga government lawyers at hindi pag-sipot ng mga testigo ang itinuturo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na dahilan kung bakit nadi-dismiss ang mga kaso sa korte na may kinalaman sa iligal na droga.

Ayon kay Sereno, maraming dahilan kung bakit nauuwi sa pagkabasura ang mga naturang kaso, kabilang na rin doon ang pagkasawi ng mga public prosecutors at public attorneys.

Naroon na rin aniya ang mahinang ebidensya ng prosekusyon kaugnay sa alituntunin sa chain of custody at inventory ng mga nasabat na iligal na droga at paraphernalia.

Paliwanag ni Sereno, kaliwa’t kanan ang mga isinasampang kaso ng Department of Justice (DOJ) ngunit hindi naman sapat ang dami ng mga prosecutors para mahawakan ang mga ito.

Nalaman niya aniya kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II na mayroong nasa 500 vacancies ang DOJ para sa mga prosecutors.

Ibinahagi na rin niya ang obserbasyon na ito sa Department of Justice (DOJ), National Prosecution Service (NPS), Public Attorneys Offices (PAO), Department of the Interior ad Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).

Mungkahi pa ni Sereno, para mapabilis ang mga proceedings, dapat magkaroon ng dalawang prosecutors ang bawat judge.

Umaasa naman ang Chief Justice na mapapabilis ang pag-resolba sa mga kaso ng iligal na droga dahil sa mga repormang ipinapatupad sa Korte Suprema.

Read more...