8,600 buses hindi na papayagang dumaan sa Edsa

City-Bus-Inq-File
Inquirer file photo

Aabot sa 8,600 buses ang  mawawala sa kahabaan ng Edsa sa taong 2018 kapag natapos na ang dalawang intermodal bus terminal na itatayo sa Southern part ng Metro Manila.

Sa pagdinig ng Senado kanina hingil sa hinihinging emergency power para kay Pangulong Rodrigo Duterte ay inilatag ng Department of Transportation ang kanilang mga plano.

Ang mga paunang intermodal bus terminals ay para sa mga pampasaherong bus na galing sa Southern Tagalog region.

Nangangahulugan ito na hindi na papapasukin sa Metro Manila ang mga provincial buses ayon kay DOTr undersecretary for infrastructure Anne Lontoc.

Imbes na pumasok sa kahabaan ng Edsa, ang mga pasahero ay lilipat na lamang sa mga Metro Manila buses, UV Express, mga Taxi o kaya naman ay jeepneys patungo sa kanilang destinasyon.

Sa taong 2020 ay inaasahan rin na magiging fully operational ang isa pang intermodal bus terminal na itatayo naman para sa mga pasahero na galing sa Northern Luzon.

Ipinaliwanag rin ni Lontoc na magiging 4,800 na lamang ang mga bus sa Edsa pagdating 2020 dahil sa pagsasa-ayos ng MRT at iba pang sistema sa public transport.

Hiniling din ng kagawaran ang pagkakaroon ng iisang traffic body na siyang mangangasiwa sa traffic management para sa buong Metro Manila.

Read more...