Idineklara ni North Korean leader Kim Jong-Un na tagumpay ang ginawa nilang submarine-launched ballistic missile (SLBM) test kahapon.
Sa ulat ng state media ng Pyongyang na KCNA, sinabi ni Kim na ang matagumpay na paglulunsad ng missile kahapon ay patunay na ang NoKor ay kahelera na ng mga bansang may malalakas na military powers at may kakayahan sa nuclear attack.
Banta pa ni Kim, ano mang pangontrang hakbang ng Estados Unidos at mga kaalyado nitong bansa hinggil sa test-fire ng NoKor ay magbubunsod lamang sa “self-destruction”.
Ang pinakawalang missile ay lumipad 500 kilometres patungo sa direksyon ng Japan.
Matapos ang pagpapakawala ng missile kahapon, sinabi ng Joint Chiefs of Staff ng South Korea na ang aksyon ng North Korea ay patunay lamang na talagang desidido ito sa pagpapalala ng tensyon.