Pagkakadawit sa illegal drugs trade, itinanggi ni Cong. Espino
Nagulat umano si Pangasinan 5th District Rep. Amado Espino Jr., nang mabalitaan na kasama siya sa inilabas na matrix ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa illegal drugs trade sa bilibid.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Espino na hindi niya pa nakikita ang matrix pero nakarating na sa kaniya ang balita dahil sa dami ng tawag sa telepono na tinanggap niya ngayong umaga.
Ayon sa kongresista, imposible na may kinalaman siya sa operasyon ng droga sa bilibid dahil ni-wala umano siyang kilala o kaugnayan sa mga opisyal ng bilangguan.
Kwento pa ni Espino, ang una at huling punta niya sa New Bilibid Prisons ay nasa 13 taon na ang nakalilipas noong binisita nila si dating Cong. Romeo Jalosjos.
“Nagulat lang ako kanina, sa dami ng tawag sa akin sa telepono. Wala akong kaalam-alam doon sa tagal ko sa serbisyo, illegal drugs ang number 1 kong nilalabanan. First and last time na napunta ako diyan sa Bilibid Prisons, siguro 13years ago, pinuntahan namin si Cong. Jalosjos,” ayon kay Espino.
Dagdag pa ni Espino, hindi rin totoo ang nakasaad sa matrix na siya kasama sina Senator Leila De Lima, umano’y driver-boyfriend nitong si Ronie Dayan at iba pang personalidad ay magkakasabwat sa illegal drugs trade sa NBP.
Ani Espino, si De Lima at si Dayan ay hindi niya personal na kilala. Nakita lamang umano niya ang dalawa, tatlo o apat na taon na ang nakalilipas sa isang kasalan sa Pangasinan.
Kwento pa ng mambabatas, nakita niyang magkasama noon sa kasalan sina De Lima at Dayan at nagulat pa nga siya nang magmano si De Lima sa tatay ni Dayan.
“Si Sec. De Lima at yung allegedly driver-ano niya na si Ronie Dayan matagal na din nung una at huli ko sila nakita. Sa Pangasinan ko sila nakita may kasalan noon, magkasama sila, 3 or 4 years ago pa ‘yon, nagulat pa nga ako, nakita ko nagmano si De Lima sa tatay ni Dayan,” dagdag pa ni Espino.
Dahil sa pagkakadawit sa kaniya ni Pangulong Duterte sa illegal drugs, sinabi ni Espino na malungkot at masama ang loob ng kaniyang pamilya.
Hindi umano naiwasan ng kaniyang kapatid na alkalde sa isang bayan sa Pangasinan, at ng iba pa niyang kaanak na mapaiyak nang madinig ang balita ngayong umaga, dahil matindi aniya ang ginawa nilang kampanya noon para kay Pangulong Duterte.
“‘Yung kapatid kong mayor yung mga kaanak ko, nag-iiyakan sila kanina dito kasi ikinampanya talaga nila si Pangulong Duterte, suportado kasi talaga naming ang anti-illegal drugs campaign niya e,” ani Espino.
Nilinis din ng kongresista ang pangalan ni Raffy Baraan na batay sa matrix ay loyal follower ni Espino at naging Provincial Administrator ng Pangasinan.
Ayon kay Espino, kahit nga si Raffy Baraan ay “kapatid ni Toti Baraan” o si dating Usec. Franciso Baraan III, hindi umano ginamit ni Raffy ang impluwensya ng kapatid sa kasong kinakaharap niya hinggil sa blacksand mining at quarrying sa lalawigan.
Paliwanag ni Espino, nasibak sa serbisyo si Raffy dahil hindi siya natulungan ni Usec. Baraan.
Kaya imposible ayon kay Espino na maging kasabwat nila si De Lima, dahil noong panahon nito bilang justice secretary ay doon umusad ang kaso laban sa kaniya at iba pang opisyal sa Pangasinan Provincial Government kaugnay sa blacksand mining at quarrying.
“kahit kapatid siya ni Toti Baraan, hindi man lang kami natulungan (sa mga kaso) gaya nung sa blacksand mining, kaya nga na-dismiss ‘yang si Raffy. Paano kami magiging kasabwat ni De Lima, eh siya nga nag-prosecute sa amin,” ayon pa sa mambabatas.
Kinumpirma din ni Espino sa Radyo Inquirer na ang isa pang napangalanan sa matrix na si Pangasinan Board Member Raul Sison, ay taga Urbiztondo rin at tiyuhin ni Dayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.