Sa pangalawang pagkakataon, nanguna na naman ang “Hunger Games” star na si Jennifer Lawrence sa listahan ng Forbes magazine ng mga world’s highest-paid actress.
Nakasaad sa listahan na kumita si Lawrence ng $46 million, dahilan para mapunta siya sa tuktok ng listahan, na sinundan ng komedyanteng si Melissa McCarthy sa $33 million.
Malaking bahagi ng kaniyang kinita ay mula sa huling pelikula ng “Hunger Games” franchise, pati na rin sa kaniyang papalabas pa lang na space adventure movie na “Passengers.”
Gayunman, ayon sa Forbes, mas mababa pa rin ang nakuha ni Lawrence kumpara sa mga leading men sa Hollywood.
Bumaba ang mga kita ni Lawrence ngayong 2016 ng 11.5 percent kumpara sa kabuuan ng kinita niya noong 2015 na umabot sa $52 million.
Samantala, para naman kay McCarthy, malaking bahagi ng kaniyang kita ay mula sa female reboot ng “Ghostbusters.”
Pumangatlo naman si Scarlet Johansson ng “Captain America: Civil War” sa $25 million, na sinundan sa ikaapat na pwesto ni Jennifer Aniston sa $21 million, Fan Bingbing sa $17 million, Charlize Theron sa $16.5 million, Amy Adams sa $13.5 million, Julia Roberts sa $12 million, Mila Kunis sa $11 million at Deepika Padukone sa $10 million.