‘Kung hindi sila pumalag, hindi sana sila napatay’-Dela Rosa sa 756 na napatay na drug suspects
Kung hindi sila lumaban, hindi sana sila mapapatay.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa pagtatanong ng mga senador sa ikalawang araw ng imbestigasyon sa Senado sa mga insidente ng extrajudicial killings sa bansa.
Sa pagtatanong ni Sen. Leila De Lima, na pinuno ng committee on justice and human rights, kinumpirma ni Dela Rosa na umaabot sa 756 ang bilang ng mga nasasawing drug suspects na pumalag sa mga otoridad habang tinatangka itong arestuhin ng mga otoridad.
Giit pa ni Dela Rosa, hangga’t walang ebidensyang makapagpapatunay na sadyang pinatay ng mga alagad ng batas ang mga ito, kanilang ipinapalagay na napatay ang mga suspek sa lehitimong police operation.
Gayunman, ipinaliwanag ng hepe ng PNP na lahat ng mga insidente ay iniimbestigahan na ng PNP Internal Affairs Service (IAS).
Ayon naman kay Chief Superintendent Leo Angelo Leuterio, hepe ng PNP-IAS, sa 756 na kaso, nasa 569 dito ang lumilitaw sa kanilang imbestigasyon na pawing mga ‘legitimate police encounter’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.