Bumubuo na ng alyansa ang dalawang bilyunaryong sina Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. at Manuel “Manny” Villar bilang suporta sa kandidatura nina Senators Grace Poe at Francis “Chiz” Escudero sa pagkapangulo at pangalawang pangulo sa 2016 Elections.
Ayon kay House Deputy Speaker Giorgidi Aggabao nag-uusap na ngayon ang Nationalist People’s Coalition (NPC) ni Cojuancgo at Nacionalista Party (NP) ni Villar para sa ibibigay nilang suporta sa Poe-Escudero tandem.
Sinabi ni Aggabao na siya ring presidente ng NPC, posibleng sa Setyembre ay pormal na ihahayag sa publiko ng NPC ang suporta nila kay Poe at Escudero. Ayaw kasi aniya ng mga negosyante ang buwan ng Agosto dahil itinuturing itong “ghost month” sa Chinese calendar, kaya palilipasin muna nila ang nasabing buwan bago mag-anunsyo.
Inaasahan ng NPC na susunod ding mag-aanunsyo ang NP. “We hope to fill a common senatorial slate with the NP,” ayon kay Aggabao
Ang NPC ay mayroong malawak na political network na ngayon ay may dalawang kapartido sa senado, 47 sa kamara, 14 na gobernador at 22 alkalde. Habang ang NP naman ni Villar ay may 5 sa senado, 20 sa kamara, at 7 gobernador.
Sa ngayon sinabi ni Aggabao na tiyak ng mapapasama sa senatorial slate ng NPC-NP sina Senators Tito Sotto at Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian ng NPC gayundin si Las Piñas Rep. Mark Villar ng NP./ Dona Dominguez-Cargullo