Antipolo Cops na isinasangkot sa summary killing at droga, sinibak na
Nakaharap na ni PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa ang isa sa mga tauhan ng Antipolo City Police na itinutuong sangkot sa paggamit at pagre-recycle ng iligal na droga.
Ito’y matapos ibunyag ng isang testigo na si Mary Rose Aquino sa isinagawang senate probe ng committee on justice on human rights kaugnay sa umano’y summary at extra judicial killings na nagaganap sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Ibinunyag ng testigo ng senado na si Mary Rose na mismo ang mga pulis sa Antipolo na may mga alyas na ‘Torres,’ ‘Rabe at ‘Ong’ ang nagsu-suplay ng droga sa kaniyang ama na si Rodelio Campos na isa umanong police asset.
Gigil na gigil na hinarap at sinermunan ni Dela Rosa ang isa sa kanila na nakilalang si PO1 Reynald Rabe, habang ang isa pa namang pulis na dawit rin dito ay si PO2 Dave Barcelo.
Hindi na iniharap kay Dela Rosa si Barcelo dahil hindi ito naka-uniporme.
Dahil sa pagkakasangkot ng dalawa sa iligal na droga, sinibak agad sila ni Dela Rosa.
Pawang mga pulis Antipolo rin umano ang huling nakausap ng kanyang ama at misis bago matagpuan ang bangkay ng mga ito sa magkahiwalay na lugar sa Antipolo City at Morong, Rizal noong June 20.
Ayon kay Dela Rosa, kaagad niyang ipapasailalim sa restrictive custody ang mga pulis at ipapatawag ang mga ito at ipapareport sa Kampo Crame.
Dagdag pa ni Dela Rosa, kung mapapatunayang sangkot sa iligal na gawain ang mga naturang pulis, maging ang kanilang hepe ay kanyang sisibakin sa puwesto.
Kaugnay nito, tiniyak ni Dela Rosa na kanyang sisilipin ang kaso ng mag-asawang drug personalities na napatay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.