Inaasahang papasok ng bansa ang bagyo na may international name na Halola, ngayong hapon.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Benison Estareja, bahagya lamang naman ang magiging epekto ng bagyo sa bansa na papangalanang Goring pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Sinabi ni Estareja na mamayang gabi o di kaya ay bukas ng umaga ay lalabas din agad ng bansa ang bagyo.
Sa ngayon ay nasa typhoon category na ang ang bagyong Halola at taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 180 kilometers kada oras.
Hihilahin ng nasabing bagyo ang Low Pressure Area na nasa Casiguran Aurora ngayon kaya inaasahang hihina ang LPA.
Samantala, sinabi ni Estareja na maaring maulit mamayang hapon ang malakas na buhos ng ulan na naranasan sa Metro Manila kahapon. Ang nasabing pag-ulan ay dulot ng isolated thunderstorm, maging ang naranasang hailstorm sa ilang bahagi ng Marikina City at Quezon City.
Sinabi ni Estareja na umabot sa 45 millimetres ang dami ng tubig na naibuhos sa bahagi ng Science Garden sa Quezon City sa loob lamang ng tatlong oras./ Dona Dominguez-Cargullo