Deliberasyon para sa panukalang P3.3T 2017 national budget, sinimulan na sa Kamara

Kuha ni Isa Avendaño-Umali
Kuha ni Isa Avendaño-Umali

Umarangkada na ngayong araw (August 22) ang deliberasyon ng Mababang Kapulungan sa panukalang 3.350 trillion pesos na pambansang pondo para sa 2017.

Ang House Appropriations Committee sa pamumuno ni Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles ang nanguna sa budget briefing.

Dumalo sa unang araw ng pagdinig sa 2017 proposed national budget ang economic managers ng Duterte administration, gaya nina Budget Secretary Benjamin Diokno, Finance Secretary Sonny Dominguez, NEDA Director General Ernest Pernia at iba pa.

Sa unang bahagi ng budget briefing, inilahad ni Nograles ang overview ng pambansang pondo, maging ang panuntunan sa budget deliberations.

Matapos nito ay pinasalang na agad sa briefing ang mga economic manager, dahil kailangan nilang umalis ng maaga upang dumalo sa ipinatawag na cabinet meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang mamayang alas 2:00 ng hapon.

Bago ang budget briefing ngayong araw, kumpiyansang sinabi ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na raratipikahan at maipapasa nila sa December 7 ang national budget upang mapirmahan na ito ng Pangulong Duterte bago mag-adjourn ang sesyon sa December 14.

Ayon naman kay Chairman Nograles, ang ipapasa ng Kongreso ay isang budget na maipagmamalaki nila.

Ang pambansang pondo aniya ay tutugon sa mga ipinangako ng presidente na sumesentro sa peace and order, anti-drugs, anti-corruption, imprastraktura, maayos na transportasyon, de-kalidad na edukasyon, kalusugan at social protection, pagbubukas ng maraming oportunidad tulad ng trabaho sa ARMM at iba pang probinsya.

Ang P3.350 trillion ay ang unang pambansang pondo sa ilalim ng Duterte administration, at tinatawag na ‘budget for change.’

 


 

 

Read more...