Dumalo muna sa flag-raising ceremony sa senado si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” Dela Rosa bago magsimula ang pagdinig sa extrajudicial killings na pamumunuan ni Senator Leila De Lima.
Matapos ang seremonya, nagbigay pa ng pahayag si Dela Rosa sa harap ng mga empleyado ng senado.
Biro ni Dela Rosa, marahil siya ang kauna-unahang PNP chief na dumalo ng Senate flag ceremony bago siya tuluyang gisahin ng mga senador sa gagawing pagdinig.
Tiniyak din ni Dela Rosa na ilalahad niya ang lahat sa senate hearing dahil wala namang dapat na itago ang PNP.
Alas 9:30, Biyernes ng umaga, nakatakdang magsimula ang pagdinig sa Senado.
Si De Lima bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang mangunguna sa umbestigasyon kasama si Senator Panfilo Lacson na pinuno naman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Maliban kay Dela Rosa, ipinatawag din sa pagdinig sina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Isidro Lapeña at National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran.