Public service, hindi apektado ng pagsibak sa libu-libong presidential appointees
Matapos sibakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga presidential appointee, epektibo ngayong araw, tiniyak ng Malakanyang na hindi mako-kompromiso ang serbisyo sa publiko ng mga kinauukulang regulatory agencies.
Paliwanag ni Presidential Communications Office (PCO) secretary Martin Andanar, malakas naman ang burokrasya ng bansa na kayang magpatakbo sa gobyerno kahit pansamantalang walang pinuno sa ilang ahensya.
Dagdag pa ni Andanar, sa kawalan ng mga appointees simula ngayong araw, wala naman aniya silang nakikitang problema dahil may mga deputy naman at career officers ang mga ahensiya, na maaaring magpatakbo sa trabaho ng mga government offices.
“Ang ating burokrasya ay malakas po naman, eh nakatayo po naman ang burokrasya kahit po wala iyong mga pinuno. Mayroon namang mga deputy, mayroon naman tayong mga career officers, so wala hong problema, tatakbo po ang ating gobyerno,” ayon kay Andanar.
Una rito nagpasya ang pangulo na gawing bakante, ang libu-libong presidential appointee positions sinula ngayong araw dahil sa laganap pa rin aniyang ang korupsyon sa gobyerno.
Partikular na pinuntirya ng pangulo ang korupsyon sa LTO at LTFRB.
Una nang sinabi ni Andanar na ngayong araw ay nakatakdang maglabas ng memorandum ang Malakanyang na magdedetalye ng nasabing kautusan ni Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.