Mga sundalo, balik-barracks kasunod ng ceasefire sa CPP-NPA

 

Sinimulan na kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang implementasyon ng idineklarang “indefinite ceasefire” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ginawa ito ng pangulo isang araw bago mag-umpisa ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista sa Oslo, Norway.

Ayon kay Philippine Army spokesperson Col. Benjamin Hao, kinansela at itinigil na nila ang lahat ng kanilang mga combat operations kasunod ng nasabing deklarasyon.

Bumalik na aniya sa mga barracks ang mga tropa ng pamahalaan, habang ang iba naman ay nasa daan na rin pabalik.

Gayunman, sinabi ni Hao na magpapatuloy pa rin ang mga militar sa kanilang mga ginagawang law enforcement operations at pagpapatrulya.

Wala naman aniyang iniutos sa kanila na mag-pull out sa mga komunidad at itigil ang pagpapatrulya, dahil ang bilin lang naman ay ang mga combat operations ang ititigil.

Pero tiniyak ni Hao na sumusunod sila sa utos sa kanila at na suportado nila ang posibilidad ng kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP-NPA.

Giit niya, ang Philippine Army ang isa sa mga grupong sobrang pabor dito dahil sila ang nasa field at nakikipaglaban sa mga rebelde.

Bagaman umaasa silang mas taos-puso na sa mga rebelde ang pagsunod sa ceasefire ngayon, mananatili silang naka-alerto para hindi maulit ang nangyaring pananambang sa Davao del Norte sa kabila ng ceasefire na idineklara ni Pangulong Duterte.

Gaganapin ang peace talks sa Norway mula August 22 hanggang 28.

Read more...