Hindi pinayagang makalabas ng Pilipinas ang American recording artist na si Chris Brown matapos ang kaniyang concert Martes ng gabi sa SM Mall of Asia (MOA) Arena sa Pasay City.
Hinarang si Brown na paalis na sana kanina patungong Hong Kong para sa susunod niyang concert.
Bago pa makapunta ng NAIA si Brown ay inabisuhan na ito ng promoters ng kanyang show na manatili na lamang muna sa Nobu Hotel sa City of Dreams dahil may watchlist ang Bureau of Immigration laban sa kaniya.
Ayon sa sources ng Inquirer sa BI, subject umano si Brown ng lookout bulletin dahil sa kasong estafa na isinampa laban sa kaniya dahil sa hindi niya pagsipot sa concert sa Philippine Arena noong December 31, 2014.
Si Brown sana ang main act ng New Year’s eve show na iyon sa Philippine Arena na inorganisa ng Iglesia ni Cristo.
Pero ilang oras bago ang simula ng show sinabi ng kampo ni Brown na hindi ito makakarating dahil nawala ang passport nito.
Alas 2:00 pa sana ng hapon kanina ang alis ni Brown sakay ng Gulfstream IV aircraft na nasa private hangar ng NAIA./ Ricky Brozas