Cabinet positions, hindi kasama sa pinababakante ni Duterte – Andanar
Nilinaw ng Malakanyang na hindi sakop ang mga miyembro ng gabinete sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagbakante sa lahat ng appointive positions sa gobyerno.
Ayon kay Presidential Communications Operations o PCO Secretary Martin Andanar, sinabi umano ng Presidente na hindi kasama ang Cabinet secretaries dahil mga bago ang mga naitalaga.
Pero sinabi ni Andanar na lilinawin pa rin niya kina Presidential Legal Counsel Salvador Panelo at Executive Secretary Salvador Medialdea kung kabilang ang constitutional bodies sa deklarasyon ng Pangulo.
Sa ngayon aniya, ang malinaw na inihayag ni Pangulong Duterte ay bakante ang lahat ng appointive positions sa pamahalaan.
Isinantabi naman ni Andanar ang mga pangamba na maaapektuhan ang operasyon sa mga ahensya ng gobyerno dahil sa utos na pagbakante sa mahigit isang libong appointive positions.
Giit ni Andanar, malakas ang burukrasya at kaya umano ng mga ahensya na magpatuloy sa trabaho kahit wala pang lider dahil naroroon naman daw ang mga deputy o career officers.
Sa press conference ni Pangulong Duterte sa Davao kaninang madaling araw, sinabi nito na simula bukas (August 22) ay bakante na ang lahat ng mga appointive na pwesto gaya ng LTFRB at LTO dahil sa patuloy na katiwalian.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.