Duterte, may pasasabugin sa Napoles pork barrel case
Babalikan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaso ng tinaguriang Pork Barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Patung-patong ng mga kaso ang isinampa kontra kay Napoles sa Sandiganbayan dahil sa pagiging mastermind ng pagkubra ng multi-bilyong pisong halaga mula sa Priority Development Assistant Fund o PDAF ng mga Mambabatas, gamit ang mga bogus o pekeng non-government organizations o NGOs.
Sa kanyang press conference sa Davao City kaninang madaling araw, sinabi ni Presidente Duterte na mayroon siyang mga pasasabugin laban kay Napoles.
Hintay-hintay lamang daw sa kanyang isisiwalat.
Iniugnay din ng Punong Ehekutibo sa Pork Barrel scam ang kaaway nito na si Senadora Leila De Lima.
Nauna ang idinawit ng Presidente si De Lima sa umano’y drug trade sa National Bilibid Prison o NBP, na siya namang itinanggi ng Senadora.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, hindi sapat na vindication para sa sambayanang Pilipino ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga politikong sabit sa iskandalo, at ang iba ay na-acquit pa.
Bukod kay Napoles, nakasuhan na rin sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon ‘Bong’ Revilla kaugnay sa maanomalyang paggamit ng PDAF.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.