Pulis-QC huli sa pangongtong sa loob ng presinto

By Den Macaranas August 20, 2016 - 09:26 AM

extortion-0128
Inquirer file photo

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District Office ang isa nilang kapwa pulis dahil sa pangongotong.

Kinilala ang dinakip na suspek na si PO1 Michael Gragasin na nakatalaga sa QCPD Station 2 sa Masambong, Quezon City.

Si Gragasin ay nauna nang inireklamo ni Josephine Pineda sa District Special Operations Unit dahil sa umano’y panghihingi ng pera kapalit ng kalayaan ng kanyang mister.

Sa kwento ni Pineda, noong Lunes ay inaresto ni Gragasin ang kanyang mister na si Adrian na isang tricycle driver dahil sa umano’y paggamit ng droga.

Para hindi kasuhan ang biktima ay humingi umano ang suspect na si Gragasin ng P500,000 para makalaya ang kanyang hinuling tricycle driver.

Tumawad ang misis ng biktima hanggang sa pumayag ang naturang pulis sa halagang P100,000 kung saan ay nagkasundo rin sila na sa mismong presinto ng pulisya gawin ang pay-off.

Kaagad namang nagsumbong sa pamunuan ng QCPD sa Camp Karingal si Pineda at doon nabuo ang plano para sa isang entrapment.

Pasado alas-otso ng kagabi nang magpunta sa Masambong police station si Pineda dala ang marked money.

Hindi kaagad kinuha ni Gragasin ang pera at ipinalagay ito sa isang mesa loob ng isang kubo sa naturang police station.

Nang makatunog na may mga nagmamanman sa kanya ay kaagad na sinunggaban ni Gragasin si Pineda na siya namang nagbigay hudyat sa mga nagmamasid na tauhan ng DSOU na hulihin ang naturang bagitong pulis.

Sa kasalukuyan ay inihahanda na ang patong patong na kaso laban kay Gragasin.

TAGS: gragasin, kotong cop, QCPD, gragasin, kotong cop, QCPD

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.