2 pulis na bihag ng NPA sa Davao pinalaya na

By Den Macaranas August 20, 2016 - 07:51 AM

New-Peoples-Army
Inquirer file photo

Alinsunod sa kautusan ng National Democratic Front (NDF) ay pinalaya na ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang dalawang tauhan ng Philippine National Police na kanilang binihag sa Davao Oriental.

Ang mga pinalaya ay kinilalang sina C/Insp. Arnold Ongachen, hepe ng pulisya sa General Generoso, Davao Oriental at ang kanyang tauhan na si PO1 Michael Grande.

Sinabi ni CPP-NPA Southern Mindanao Region spokesperson Rubi del Mundo na ang pagpapalaya sa dalawangf Prisoners of War (POW) ay pagpapakita lamang ng kahandaan ng komunistang grupo na makiisa sa pagsusulong ng peace process.

Pansamantala ring suspendido ang pagdinig ng CPP-NPA sa mga umano’y kaso sa bayan ng nasabing mga tauhan ng PNP.

Sina Ongachen at Grande ay dinukot ng mga NPA members makaraan ang kanilang paglusob sa himpilan ng pulisya sa bayan ng General Generoso noong buwan ng Mayo.

Isinabay ang pagpapalaya sa mga bihag sa paglabas sa Camp Crame ng mga lider ng Communist Party of the Philippines na sina Benito at Wilma Tiamzon na kabilang sa mga National Democratic Front consultants na kasama sa peace talks sa Oslo, Norway.

TAGS: duterte, NDF, Norway, PNP, tiamzon, duterte, NDF, Norway, PNP, tiamzon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.