Inilahad ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa sa Senado na sa ngayon, bagaman mahigit 1,500 drug suspects na ang napapatay, 22 pa lang ang naisasampang kaso.
Sumailalim si Dela Rosa sa imbestigasyon sa Senado na pinangunahan ng anim na komite na nabahala sa mistulang hindi patas na pag-trato sa mga drug suspects sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Bilang tugon sa tanong ni Sen. Grace Poe, sinabi ni Dela Rosa na 1,564 na ang bilang ng drug suspects na napatay as of August 15.
Kabilang na aniya dito ang 899 na pagkamatay na iniimbestigahan pa tulad ng mga tinatawag na vigilante killings, at ang 665 na napatay naman sa mga lehitimong police operations.
Ngunit aniya, sa kabila ng malaking bilang ng mga napatay, 22 kaso lang ang naisampa na may kinalaman sa mga pagpatay sa labas ng police operations.
Samantala, muli namang iginiit ni Poe na dapat, isang sibilyan ang may hawak sa PNP Internal Affairs Service (IAS) dahil ngayon, pulis rin ang nag-iimbestiga sa mga pulis.
Ito rin naman ang nakasaad sa PNP Reform and Reorganization Act of 1998, at ipinagtataka niya kung bakit hindi ito ipinatutupad.
Paliwanag ni Dela Rosa, madaling takutin ang isang sibilyan, ngunit hindi ito tinanggap ni Poe dahil kailangan pa rin aniyang sundin ang batas.
Sa huli ay sinabi ni Dela Rosa na kung ang pagta-talaga ng sibilyan sa IAS ang gusto ni Poe, madali naman itong gawin at kaya niyang mag-talaga agad ng bagong IAS chief.