Radioman inaresto sa pag-post ng larawan ng rape victim sa social media

 

Arestado ang isang radio broadcaster sa Tagum City, Davao del Norte dahil sa hinihinalang paglabag niya sa anti-photo and video voyeurism law.

Ito’y matapos niyang i-post sa social media ang ilang larawan ng isang dalagang pinaniniwalaang biktima ng panggagahasa.

Nakilala ang broadcaster na si George Pangandoyon na isang block-timer sa RM radio station sa Davao del Norte.

Kinumpirma ito ng tagapagsalita ng Southern Mindanao police regional office na si Chief Insp. Andrea dela Cerna, ngunit tumanggi nang magbigay ng iba pang detalye.

Umani ng maraming batikos ang pagkaka-dakip kay Pangandoyon, na karamihan ay nakapukol sa mga pulis bagaman naaresto nila ang broadcaster, hindi naman nahuli o natukoy man lang ang lumapastangan sa 18-anyos na biktima.

Ayon kay Dela Cerna, isang empleyado ng catering business sa mall sa Tagum ang dalaga na natapuan ng kaniyang mga katrabaho sa kanilang living quarters na nakahubad at nakagapos ang mga kamay at paa gamit ang kordon ng electric fan.

Base pa sa mga ulat, kinuhanan ni Pangandoyon ang dalaga ng litrato at video habang inilalabas ito mula sa apartment, at agad itong ini-upload sa social media.

Dinala na sa ospital ang biktima at sa ngayon ay nakakasagot lang sa mga tanong sa pamamagitan ng pagsusulat.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang suspek na nang-abuso sa dalaga.

Read more...