Hindi naaayon para sa isang pangulo ng bansa ang ginawang personal na pagbanat ni Presidente Rodrigo Duterte kay Sen. Leila De Lima.
Ito ang pahayag ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat ng Liberal Party sa mga isiniwalat ni Duterte sa personal na buhay ni Sen. De Lima ukol umano sa pagkakaroon nito ng relasyon sa kanyang driver.
Si Baguilat ay naghain ng resolusyon kamakailan na humihiling sa Kongreso na magsagawa ng imbestigasyon sa mga insidente ng extrajudicial killings sa bansa.
Ayon kay Baguilat, hindi dapat gumagamit ng ‘character assassination’ ang isang public official lalo na sa isang Pangulo ng bansa upang banatan ang mga itinuturing na ‘kalaban’ nito.
Nagbabala rin si Baguilat na posibleng magkaroon ng ‘chilling effect’ ang ipinapakitang sistema ni Pangulong Duterte sa pagganti sa mga bumabatikos sa kanya kung saan hinihiya niya ito sa publiko.
Nagpahayag din ng suporta ang Liberal Party kay De Lima sa mga batikos na dinanas nito mula sa pangulo sa gitna ng nakaambang imbestigasyon sa mga kaso ng mga EJK.
“The Liberal Party stands for free and open debate, for due process of law, and respect and civility in public discourse… Senator Leila de Lima is doing her job as a senator of the Republic. She deserves support, not condemnation; respect, and not gutter language; she and our people deserve the facts, not innuendo,”ayon sa statement ng LP.