3 lugar sa Pampanga, isinailalim na sa state of calamity

 

Inquirer file photo

Nagdeklara na ng state of calamity ang mga lokal na pamahalaan ng tatlong lugar sa Pampanga makaraang salantahin ng habagat nitong mga nagdaang araw.

Magkakahiwalay na nagdeklara ng state of calamity ang San Fernando City, at ang mga bayan ng Sto. Tomas at Macabebe sa Pampanga upang magamit ang nakalaang pondo para sa pagbangon at rehabilitasyon ng mga nasalanta ng labis na pag-ulan.

Dahil sa matinding pagbabahang naranasan na umabot pa sa limang talampakan ang lalim, lumalabas na ang Pampanga ang pinakamatinding naapektuhan ng habagat.

Ayon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) ng Central Luzon, nasa 192 na barangay pa sa Pampanga ang nakalubog pa rin sa baha hanggang ngayon.

Aabot naman sa mahigit 350,000 na residente ang naapektuhan ng pagbabaha, habang nasa 1,631 na pamilya ang namamalagi pa sa mga evacuation centers.

Una nang nagdeklara ang Dagupan City sa Pangasinan ng state of calamity dahil isa rin sila sa matitinding tinamaan ng habagat.

Read more...