Mga pinalayang NDF consultants positibo sa magandang resulta ng peace talks

By Den Macaranas August 18, 2016 - 08:12 PM

NDF panel
Photo: Renato Reyes

Sama-samang nanawagan ng pagpapalaya sa lahat ng mga political prisoners ang mga National Democratic Front (NDF) consultants na pansamantalang binigyan ng kalayaan ng pamahalaan para makasama sa resumption ng peace talks sa Oslo, Norway.

Sa kanilang pagharap sa media kanina, sinabi nina NDF consultants Kennedy Bangibang, Ruben Saluta, Tirso Alcantara, Alan Jazmines, Renante Gamara, Ernesto Lorenzo at Jaime Soledad na positibo sila sa pagsusulong ng usaping pangkapayapaan sa ilalim ng pamahalaang Duterte.

Bagama’t bukas sa pakikipag-kasundo sa gobyerno, sinabi ng grupo na tuloy pa rin ang kanilang ipinaglalabang mga adhikain dahil nanatili pa rin ang militarisasyon sa mga lalawigan, problema sa sweldo ng mga manggagawa at patuloy na kahirapan sa malaking bahagi ng bansa.

Hindi pa rin nakakalabas hanggang sa kasalukuyan ang mag-asawang lider ng Communist Party of the Philippines na sina Benito at Wilma Tiamzon dahil sa iba pang mga kaso na kanilang kinakaharap.

Nauna nang nagpasalamat si NDF-CPP founding chairman Jose Maria Sison sa ginawang hakbang ng pamahalaan para sa muling pagsisimula ng peace talks.

Bukas ay nakatakda ng lumipad papuntang Norway ang grupo para sa peace talks na magsisimula sa August 22 hanggang 27.

TAGS: grp, NDF, Norway, oslo, grp, NDF, Norway, oslo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.