De Lima hinamon na itanggi sa harap ng publiko kung mali ang mga sinabi ng pangulo

panelo2Imbes na batikusin ang mga naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya, sinabi ni Presidential Chief Legal Adviser Salvador Panelo na dapat ay sagutin na lamang ni Sen. Leila de Lima kung totoo ba o hindi ang mga tinuran ng pangulo.

Sinabi ni Panelo na dapat ay itinanggi ni de Lima kung hindi totoo ang sinabi ni Duterte na lover ng senador ang kanyang driver at dapat ay itinanggi rin niya na ito ang kanyang naging kolektor ng pondo noong panahon ng halalan.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na isiniwalat lamang umano ng pangulo sa publiko ang pagkatao ng ilang mga opisyal ng gobyerno at dapat na maging bukas ito sa sambayanan.

Hindi rin matatawag na isang uri ng character assassination ang pagsasabi ng katotohanan pahayag pa  ni Panelo.

Ipinaliwanag rin ng presidential legal adviser na noong alkalde pa lamang ng Davao City si Duterte ay minsan din siyang inakusahan ni de Lima na noo’y justice secretary pa na ito ang pinuno ng kilabot na Davao Death Squad pero wala naman siyang isinampang kaso laban dito.

Ang tangi lang umanong ginawa ni de Lima ay nagpalutang ng isang testigo na sana ay magdidiin noon kay Duterte pero kalaunan ay umatras din ito.

Idinagdag pa ng kalihim na kahit ano ang gawin ng kanyang mga kritiko ay itutuloy ng pangulo ang kanyang laban kontra sa illegal drugs.

Read more...