Karanasan sa LGU, bentahe sa presidency – Gov. Vi

July 22, 2015 - 11:35 AM

vilma-santos
Inquirer file photo

Mahalaga ang karanasan sa paglilingkod sa lokal na pamahalan para sa isang pulitikong nais na tumakbo para sa national position lalo na sa panguluhan.

Ito ang sinabi ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto sa panayam ng Radyo Inquirer. Ayon kay Santos, malaking bentahe kung nakapanilbihan sa lokal na pamahalan dahil direkta sa tao ang serbisyo kapag nasa local government.

Sabi pa ni Santos na siyam na taon ng gobernador ng Batangas, hindi biro ang agad na pagsabak sa national position nang hindi dumadaan sa local government.
“Malaking advantage na nakapagsilbi ka sa lokal, kasi ang lokal ay direkta sa tao. Ang national ay hindi na po biro iyan, pinag-aaralan dapat at malaking panahon ang dapat na igugol,” ayon kay Santos

Gayunman, sinabi ni Santos na kahit gaano pa kasipag at katalino ang isang pulitiko, ang pinakamahalaga pa rin ay taos-puso ang pagnanais nitong manilbihan sa publiko.

Samantala, sa posibleng pagsabak ni Senator Grace Poe sa pampanguluhang halalan, sinabi ni Santos na tiwala siya sa kakayahan ng senador.

Sinabi ni Santos na maliban sa pagiging makaibigan nila ni Poe ay bilib siya sa track record nito sa senado. “Si Grace (Poe) ay kaibigan ko, dito sa Batangas, magkasama kaming nangampanya nung tumakbo siyang senador. She is very efficient. May track record siya at alam kong kakayanin niya,” dagdag pa ni Santos.

Payo naman ni Santos sa mga botante, pumili ng pinuno na makapagsisilbi ng tunay.

Kasabay nito ay iginiit ni Santos na wala siyang plano sa ngayon na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections. Ayon kay Santos, bagaman may mga nagpapasabi sa kaniya na nais siyang kuning kandidato para sa 2016, ay hindi umano niya iniintindi ang mga ito dahil wala namang nagaganap na formal dialogue./Dona Dominguez-Cargullo

TAGS: 2016 elections, Vilma Santos, 2016 elections, Vilma Santos

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.