Hindi totoong isasa-pribado na ang Quinta Market sa Palanca Street, Quiapo Maynila.
Ito ang nilinaw ni Manila Vice Mayor Isko Moreno sa panayam ng Radyo Inquirer. Ani Moreno, ang pagpapaganda sa Quinta Market ay bahagi ng proyekto ng pamahalaang lungsod na malinis at maiayos ang mga palengke sa Maynila.
Sinabi ni Moreno na hindi naman ibibigay sa pribadong kumpanya ang pagmamay-ari ng Quinta market at sa halip ay nakipagkasundo lamang si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga pribadong grupo para mapaganda at maiayos ang nasabing palengke. “Pero ang gagawin po sa Quinta Market ay hindi privatization kundi (isasailalim po ito sa) PPP. Isa sa mga programa ni Pangulong Mayor Erap ay i-modernize ang mga palengke natin,” ayon kay Moreno.
Sinabi ni Moreno na masyado nang madungis at ginawa na ngang tirahan ang Quinta Market kaya nais ni Estrada na maging kaaya-aya ito sa mga mamimili.
Tiniyak naman ni Moreno na hindi dapat mangamba ang mga tindero at tindera sa nasabing palengke dahil hindi naman sila aalisin sa kani-kanilang pwesto. Ayon kay Moreno, mananatili sa kanilang mga lugar ang mga vendors lalo na ang mga nagtitinda doon ng tatlo hanggang apat na dekada na.
“Mag-iinvest ang private sector sa Quinta Market para sa development ng palengke. Ang mga vendors na naroroon na ng 30 years, 40 years ang hiniling nila ay kailangan “as is, where is” sila, kung saan sila nakapwesto hindi sila dapat magalaw,” dagdag pa ni Moreno.
Paliwanag pa ng vice mayor, sa ilalim ng kontrata ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa mga pribadong sector na magsasa-ayos ng Quinta Market ay mananatili pa rin sa Manila City Government ang pagmamay-ari ng palengke.
Nakasaad din sa kontrata na walang stall holders ang aalisin lalo na ang mga “good standing vendors”./Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.