Patay ang tatlo katao, kabilang na ang dalawang paslit, matapos malaslas ang kanilang mga leeg dahil sa tali ng saranggola na binudburan ng bubog na ginamit sa isang patimpalak sa India.
Naka-dungaw sa sunroof ng kanilang sasakyan ang tatlong-taong gulang na batang babae na kasama pa ng kaniyang mga magulang, nang biglang mahiwa ng tali ng saranggola ang lalamunan nito.
Gayundin ang naging sitwasyon ng isa pang apat na taong gulang na batang lalaki, habang ang isang lalaki naman ay nalaglag sa kaniyang motorsiklo matapos mahiwa at masakal ang leeg dahil rin sa tali.
Kinilala ang lalaki na si Jafar Khan, at ayon sa ama niyang si Ayub Khan, nakaranas ng nakamamatay na head injury ang kaniyang anak dahil sa insidente.
Naganap ang mga insidente sa New Delhi noong Lunes, kung kailan ipinagdiwang ng India ang kanilang Independence Day, at isa ang pagpapalipad ng saranggola sa kanilang paraan ng pagdiriwang.
Ilang kaparehong aksidente na rin ang naganap sa mga nakalipas na taon dahil nauso sa mga kite flyers ang paggamit ng tali na galing sa China na halos invisible na ngunit nababalot pala ng glass o metal shards.
Ginagamit ang ganitong uri ng mga tali upang maputol nito ang tali ng mga saranggola ng kalaban.
Dahil dito, ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng lungsod at ng iba pang estado ang pagbebenta ng glass-coated kite string, ngunit may mga nakakalusot pa rin.