Isa sa mga tinitingnang pinagmulan ng terror o gun scare sa John F. Kennedy Airport ay ang labis na pagdiriwang ng mga fans sa panalo ng world’s fastest man na si Usain Bolt sa Olympics.
Nagkaroon kasi ng chain-reaction scare sa dalawang terminals ng paliparan noong Linggo ng gabi ilang minuto matapos makakuha ng gold medal sa 100-meter dash si Usain Bolt.
Ayon sa briefing document mula sa New York Police Department, nakita nila sa security camera footage na ilang pasahero ang biglang naging magulo habang nanonood ng Olympics sa mga telebisyon sa Terminal 8.
Ito ang nag-sanhi ng chain reaction sa ibang mga tao na nag-takbuhan at nag-pulasan palayo sa komosyon sa pag-aakalang mayroong naganap na pag-atake.
Nakatanggap pa umano ang mga pulis ng tawag sa 911 mula sa isang ginang na nag-ulat na may mga putok ng baril siyang narinig sa loob ng terminal.
Ayon sa isa pang testigo, nag-simula ang mga tao na mag-takbuhan, mag-sigawan at dumapa sa sahig matapos niyang marinig ang serye ng malalakas na tunog sa Terminal 1, na akala niya ay mga putok ng baril.
Umabot sa mahigit 20 tawag sa 911 ang nag-report pa sa pulis kaugnay sa insidente.
Gayunman, hindi naman malinaw kung paano napagkamalang pamamaril ang ingay ng pagdiriwang ng mga tao sa panalo ni Bolt.
Sa pag-iimbestiga rin ng mga pulis, wala silang nakuhang basyo ng bala, walang nakitang mga nasugatan at wala ring testigong makapagsabi na mayroong shooter sa paliparan.