Tatlong pulis ang sugatan sa demolisyon sa 400 bahay sa Calaanan Compound sa Barangay 86, Monumento, Caloocan City.
Isa sa mga nasugatan ay nakilalang si PO1 Virgilio Cabangis, ng Northern Police District (NPD) public safety batallion, na nagtamo ng tama ng sumpak sa kaniyang kaliwang binti.
Habang ang dalawa pang sugatang pulis ay tinamaan naman ng bato at bote na inihagis ng mga residente.
Nang sinimulan ng demolition team ang paggiba sa mga bahay, nagsimula na ring umulan ng mga bote at bato mula sa mga nakabarikadang residente. Nakarinig din ng magkakasunod na putok ng baril sa lugar.
“Generally, nagkagulo. Kung bato at bote lang, napaghandaan natin iyan, hindi namin inexpect na may sasabay na putok na baril mula sa mga residente. Nung tinamaan ang isang Pulis, doon na nag warning shot ang mga pulis, kailangang tapatan ang putok para ma-disrupt sila,” ayon kay Sr. Supt. Bartolome Bustamante.
Isinagawa ang nasabing demolisyon sa bisa ng court order ng Caloocan Regional Trial Court na ipinalabas pabor sa sinasabing may-ari ng lupa na si “Zesto magnate” Alfred Yao.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Kagawad Marilyn Manebo na inalok ang mga residente ng P60,000 para lisanin ang lugar, pero ang problema aniya ng mga pamilyang apektado ay wala naman silang malilipatan.
Dalawang lalaki naman ang inaresto ng mga tauhan ng SWAT ang isa dito ay nakilalang si Junel Orlando na umano’y bumaril kay Cabangis gamit ang sumpak. Ang isa sa mga naaresto ay nakuhanan pa ng itak ng mga otoridad.
Dahil sa nasabing demolisyon, maging ang mga motoristang dumadaan sa EDSA ay naperwisyo, nabarahan kasi ang Southbound lane ng Edsa malapit sa Monumento. Maliban kasi sa mga pulis na nakabarikada, kumalat din ang mga basag na bote at bato sa kalsada.
Ipinagamit naman pansamantala ang isang linya ng Edsa Monumento Northboundlane para sa mga apektadong motorista./Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.