1 patay, 5 nakuryente sa Pampanga dahil sa ulan
Isa pa ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa kasagsagan ng mga pag-ulan na dala ng habagat.
Patay ang isang 32-anyos na lalaki sa Brgy. Concepcion sa Lubao, Pampanga matapos malunod.
Kinilala ng Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Lubao ang biktima na si Orlando Rañetes na nalunod habang nangingisda.
Samantala, mayroon ding mga naitalang insidente ng pagka-kuryente sa Pampanga.
Tatlo ang nakuryente sa Brgy. San Juan sa Lubao nang madikit ang isang live wire sa baha. Sa kabutihang palad ay buhay naman ang mga biktima na pawang nasa 18 hanggang 19 taong gulang ang edad.
Isang siyam na taong gulang na batang lalaki naman ang nakuryente sa Brgy. San Miguel sa bayan rin ng Lubao, at hanggang ngayon ay inoobserbahan pa rin siya sa ospital.
Nadali rin ng high voltage na kuryente ang isang 21-anyos na lalaki sa San Basilio sa Sta. Rita, Pampanga, at kasalukuyan pang nasa ospital para maobserbahan ang kaniyang kalagayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.