4 patay sa lindol sa southern Peru

By Kabie Aenlle August 16, 2016 - 04:17 AM

 

MUla sa Google Maps

Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi habang mahigit dalawang dosenang iba pa ang nasugatan nang yanigin ng mababaw na 5.3 magnitude na lindol ang southern Peru.

May lalim na 8 kilometro ang lindol na yumanig sa Caylloma province sa Arequipa region, Linggo ng gabi, pero nagpatuloy ang mga aftershocks hanggang Lunes.

Kilala ang Caylloma province dahil doon matatagpuan ang Colca Canyon ng Peru na isa sa pinakamalalim sa mundo at madalas puntahan ng mga trekkers.

Ayon sa National Civil Defense Insitute, isang 66-anyos na Amerikano ang isa sa apat na kumpirmadong nasawi.

Ayon naman kay Arequipa Governor Yamilia Osorio, nakasaad sa mga preliminary reports sa mga naapektuhang lugar, walo ang tinatayang nasawi dahil sa pagguho ng dose-dosenang kabahayan sa tatlong bayan.

Naputol ang serbisyo ng komunikasyon at kuryente dahil na rin sa lindol, at naharangan rin ang mga kalsada ng mga gumuhong lupa.

Tumama ang lindol isang araw bago ang ika-siyam na anibersaryo ng lindol noong 2007 sa Ica region ng Peru kung saan daan-daan ang nasawi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.