“Hindi pa kasi kumpleto ang kuwento sa Mamasapano encounter” – sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz

By Arlyn Dela Cruz August 15, 2016 - 12:54 PM

SAF-44-0130May nagtanong sa akin kung bakit ngayong wala na ang administrasyong Aquino ay saka muling binubuhay ang kuwento ng Mamasapano kasama na ang pagsasampa ng mga kaso hindi lamang sa dating pangulo, mga opisyal ng Philippine National Police at Special Actionm Forces kundi maging sa ilang kumander at kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF.

Naghihiganti daw ba? Sinisira lang daw ba ang pangalan ng dating pangulo? Ito ba yung sinasabi nilang weather-weather lang, kasi hindi na siya ang nasa kapangyarihan? Bawi lang, ganun, tipong sla naman ang makaranas na makasuhan.

Simple lang ang sagot ko sa nagtanong. Kako, mali ang salitang binubuhay. Ang totoo, hindi pa tapos ang kuwento, hindi pa nailalabas ang kabuuang kuwento na puwedeng sabihing totoong kuwento o kumpletong kuwento.

Hindi naman ibig sabihin na tinatawaran na isa ngang tagumpay ang pagkakapatay kay Zul Kifli bin hir alias Marwan na resulta ng naturang operasyon. Totoong malaki ang banta ni Marwan at mga galamay nito lalo pa’t matagal-tagal nang nanatili sa Central Mindanao at nakapagturo na ng mga kaalaman sa paggawa ng bomba. Indeed, the fact that it was an accomplishment is beyond doubt. The entire story of what happened there is what remains an untold story. There are still some missing pages.

Nasabi ko na noon sa kasagsagan ng kuwento ng Mamasapano na karaniwan at kasama sa buhay na pinili nila ang katotohanan na maaari silang mamatay sa isang operasyon o sa isang engkuwentro tulad na nga nang nangyari sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 ng taong 2015. Hindi puwedeng tawaran ninuman ang kahandaan sa kamatayan ng mga nakipaglaban sa Mamasapano. Kaya nga hindi dapat na fallen 44 ang tawag natin sa kanila kundi gallant 44.

Ngayon balik sa kung ano baa ng tunay na kuwento o ano ba ang kumpletong kuwento? Hindi ko kasi sinasabi na hindi totoo ang mga naikuwento na o naibalita, totoo din ang mga iyon, dangan nga lamang, hindi sa ganap na kabuuan, may kulang, may iniwasan, may mga ikinubling bahagi.

Para maunawaan kung ano ang mga detalyeng magpapakumpleto ng kuwento ng Mamasapano encounter, magtanong tayo. At ito ang ilan sa mga tanong?Sinu-sino ang nagplano sa operasyon? May mga nabanggit na pangalan sa mahaba-habang hearing din sa Senado na pinangunahan ni Senadora Grace Poe. Naglabas pa nga ng report at rekomendasyon ang kanyang komite. Ngunit sila nga lamang baa ng nagplano? Kapag may plano hindi ba may nais kang mangari? Maabot? Makamit? Goal ika nga. Pamahalaan lang ba ang makikinabang kung sakali? Ang dating pangulo lang ba at ang tropapits niyang si dating PNP Chief Allan Purisma (na noong panahong nagplano sila, linawin lang natin uli ay nasa status o kalagayang suspindido)?

Katanggap-tanggap ba na matapos na pag-aralan ang situation on the ground, number of forces and disposition of targets based on very reliable intelligence information provided by counterparts, susugod ka ng ganun knowing na ganun karami ang babalikwas at makikipagbakbakan sa isang putok lamang lalo pa sa oras de peligro? Oras na tulog pa halos ang marami sa kanila? Baka iba talaga ang plano? Baka naman hindi intensiyon ng mga nagplano na ibangga talaga sa mga daan-daang armadong puwersa ng MILF ang mga pumasok na tropa doon ng PNP-SAF? Baka naman may ibang usapan? kasunduan at napag-usapang istilo kung paano papatayin si Marwan na pabor hindi lamang sa panig ng pamahalaan kundi maging sa panig ng MILF?

Lampasan natin ang planning stage. Yung mismong araw, balikan natin?

Hindi ba napakarami ng kasapi ng PNP-SAF na nagpunta sa Maguindanao at ang sabi, batay sa mga nadinig natin noon sa hearing sa Senado, nasa highway lamang ang karamihan sa mga ito at ang mga naipit sa bakbakan, yun lamang talaga ang naiwan sa lugar na kung ang pagbabatayan ang real time intelligence information na natanggap nila noon? Ano ba talaga ang papel lang nil asana doon? Bakit nasa highway lang ang karamihan sa kanila?

Ang totoo, marami pang tanong. Marami ng natanong sa panahon pa lamang ng inquiry noong nakaraang taon ng Senado. Pero marami pa ring tanong ang hindi naitanong kaya hindi natin nalaman ang sagot.

Balikan natin ang tanong sa taas at ulitin natin ang sagot. Hindi pa tapos ang kuwento dahil hindi pa kumpleto ang kuwento. (wakas)

 

 

 

TAGS: mamasapano encounter, saf 44, mamasapano encounter, saf 44

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.