Dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa Marikina river, inalis na ang umiiral na alerto para dito.
Sa abiso ng public information office ng Marikina City, kaninang alas 8:41 ng umaga, bumaba na sa 14.8 meters ang water level sa Marikina river.
Dahil dito, lifted na ang alerto na naunang itinaas ng lokal na pamahalaan ng Marikina.
Noong kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan noong Sabado ng gabi, umabot sa 18.6 meters ang taas ng tubig sa Marikina river ganap na alas 6:20 ng gabi.
Batay sa sinusunod na pamantayan ng Marikin City government, itataas ang alert level 1 sa Marikina River kapag umabot ito sa 14.50 meters, alert level 2 kapag umabot sa 15.50 meters, alert level 3 kapag 16.50 meters na at ipatutupad na ang voluntary evacuation, habang alert level 4 na ang itataas kapag umabot sa 17.50 meters ang tubig at magpapatupad na ng forced evacuation.
Karamihan naman sa mga residente sa Marikina City na lumikas, ay nagsisimula nang magbalikan sa kanilang mga tahanan.