Ito ay kasunod ng pagbabawas ng water production ng Maynilad dahil sa malabong tubig na nagmumula sa Ipo Dam bunsod ng nararanasang mga pag-ulan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Maynilad, media relations officer Grace Laxa, kung magpapatuloy ang pa ang pag-ulan na epekto ng habagat hanggang sa Miyerkules o Huwebes gaya ng pagtaya ng PAGASA, hindi pa rin nila maibabalik sa normal ang water production.
Sinabi ni Laxa na mahirap isaalang-alang ang kaligtasan ng tubig na isinusuplay sa kanilang consumers.
“As of 5AM, mayroong nakitang improvement sa raw water sa Ipo Dam, pero hindi pa sapat para maibalik sa normal ang production. Kung ang pag-ulan ay magpapatuloy pa, hindi natin masisiguro na babalik tayo sa normal. Mahirap pong isaalang-alang ang safety ng ating tubig kung hindi maganda ang nakukuha nating klase,” ayon kay Laxa.
Sa ngayon, mayroong 54 na water tanks ang Maynilad na umiikot sa mga apektadong lugar sa Quezon City, Caloocan, Makati at Maynila.
Humihingi naman ng pang-unawa sa publiko si Laxa, partikular sa nasa 850,000 na households na nakararanas ngayon ng water interruption o mahinang suplay ng tubig.
Pagtitiyak ni Laxa, sa sandaling gumanda ang panahon at umayos ang raw water na nagmumula sa Ipo dam, ay ibabalik nila sa normal ang water production.