Matapos ipagmalaki ng Malacañang ang 9.8 percent na pagbaba sa crime rate sa buong bansa, may panawagan sa kanila ang Commission on Human Rights (CHR).
Hinimok ng CHR ang administrasyong Duterte na kasuhan na ang mga nilalaman ng mahabang listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na tinaguriang ‘narco-list’ o iyong mga may kinalaman umano sa kalakalan ng iligal na droga.
Ayon kay CHR chairman Chito Gascon, kailangang agad suportahan ni Duterte ng ebidensya ang kaniyang ginawang pagsi-siwalat at dapat rin itong iharap sa korte.
Matatandaang ang 159 na binanggit niyang pangalan ay binubuo ng mga lokal na opisyal, huwes, pulis at militar.
Giit ni Gascon, may sistema ng hustisya ang Saligang Batas na nangangailangan ng due process at presumption of innocence.
Mahigit isang linggo na kasi ang nakakaraan mula nang ilabas ni Pangulong Duterte ang nasabing narco-list ngunit wala pa ni-isang nakakasuhan sa kanila.
Sa anunsyo ng Palasyo, bumaba ng 5,522 ang mga insidente ng krimen na naitala ngayong July kung ikukumpara sa bilang na naitala sa parehong panahon nong nakaraang taon.