Mga napatay sa anti-drug ops ng PNP, halos 600 na
Halos nasa 600 na drug suspects na ang napatay sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Batay sa talaan ng Philippine National Police (PNP), as of 6a.m. ng Linggo, pumalo na sa 592 ang kabuuang bilang ng mga napatay na drug suspects sa mga lehitimong operasyon.
Bukod dito, mahigit 8,000 na rin ang mga naaresto sa nasa 5,422 operasyon ng mga pulis sa ilalim ng mas pinaigting na Oplan Double Barrel, kung saan sabay na tinatarget ng otoridad ang mga big time drug lords hanggang sa mga drug pushers at users.
Ayon din sa kanilang talaan, kabuuang 519,480 na drug users at 34,763 na drug pushers ang sumuko sa kanilang Oplan Tokhang.
Samantala, nababahala na rin ang Estados Unidos sa dami ng mga napapatay sa laban ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Kaugnay nito, hinimok nila ang Pilipinas na tiyaking sumusunod pa rin sa mga karapatang pantao ang mga hakbang ng pamahalaan para masugpo ang laganap na iligal na droga.
Bilang tugon, tiniyak rin isang ahensya ng gobyerno sa isang pahayag na ipinadala sa Agence France-Presse, na hindi nila kinukunsinte ang mga pagpatay at na nangingibabaw pa rin ang batas sa laban na ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.