8 patay, walo sugatan sa anti-drug ops sa North Cotabato
Hindi bababa sa walo katao ang nasawi samantalang nasa walong sundalo rin ang nasugatan sa anti-drug operations sa isang liblib na barangay sa bayan ng Midsayap, North Cotabato, Linggo ng madaling-araw.
Kabilang sa mga nasawi ang tatlo sa panig ng pulis at militar na sina PO3 Darwin Espallardo ng North Cotabato Police, Corporal Jose Miravalles, PFC Jaypee Duran, pawang mga tauhan ng Division Recon Company, isang hindi nakilalang guide ng grupo.
Nasawi rin ang isang sibilyan sa insidente.
Ayon kay Col. Noly Samarita, commander ng 602nd Brigade ng Philippine Army, target sana ng operasyon na maisilbi ang warrants of arrest sa drug suspect na si Moks Masgal alyas Commander Madrox, lider bandidong grupo na nagkukubli sa Bgy. Nabalawag.
Nang papalapit na ang tropa ng militar at grupo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), agad silang pinaputukan ng grupo ni Masgal na humantong sa palitan ng putok.
Bukod sa apat sa panig ng mga otoridad na nasawi, patay din sa anim na oras na bakbakan ang apat na tauhan ni Masgal.
Gayunman, nabigo ang mga otoridad na madakip si Masgal na napilitan nang tumakas nang magbigay ng air support ang dalawang MG-520 attack helicopter ng militar.
Si Masgal ay sinasabing isang dating sub-leader ng MILF na may 50 tauhan at nagpapakalat ng shabu sa boundary ng Maguindanao at Cotabato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.