Natapos na ang isinagawang kilos-protesta laban sa posibilidad na paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Hindi bababa sa walong daang katao kabilang na ang ilang malalaking personalidad partikular na ang ilang mambabatas ang dumalo at nakiisa sa pagtitipon na isinagawa ng Citizen’s Assembly against Marcos burial in Libingan ng mga Bayani dito sa Lapu-Lapu Shrine sa Luneta Park.
Sa nasabing pagtitipon, nagbigay ng kani-kaniyang pahayag ang ilang mambabatas na dumalo.
Kabilang na dito sina Sens. Leila de Lima, Risa Hontiveros at Bam Aquino at maging sina Reps. Teddy Baguilat, Edcel Lagman atat dating Congressman Walden Bello.
Dumating din si dating DILG Sec. Mar Roxas na kaalyado ni dating Pangulong Noynoy Aquino, na no-show sa pagtitipon.
Naghandog naman ng awiting ang mga batikang singer na sina Bayang Barrios at Cooky Chua na sinundan ng sariling pahayag ng batikang direktor na si Joel Lamangan.
Sa huli, nanaig pa rin ang mariing pagtutol ng mga anti Marcos sa paglilibing kay Dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani na una nang pinahintulutan ni Pangulong Rodrigo Duterte.