Chinese swimmer nag-positibo sa doping test sa Rio Olympics
Bumagsak sa isang doping test sa Rio Olympics ang Chinese swimmer na si Chen Xinyi, bagay na kinumpitma mismo ng Xinhua news agency.
Ayon sa ulat, nag-positibo si Chen sa diuretic na hydrochlorothiazide noong Linggo.
Sa araw ding iyon, naka-fourth place si 18-anyos na si Chen sa women’s 100-meter butterfly final, at 0.09 seconds lang ang kinulang niya para makakuha ng medalya.
Nag-apply na si Chen sa International Olympic Committee para i-test naman ang kaniyang B-sample at para maisailalim siya sa pagdinig.
Ang diuretics kasi na nakaka-dagdag ng pag-ihi ng isang tao ay maaring gamitin bilang “masking agents” upang maitago ang presensya ng iba pang performance-enhancing substances na isinasailalim sa doping tests.
Iginiit naman ng Chinese Swimming Association na mariin nilang tinututulan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na substances at hinihiling nila ang buong pakikipagtulungan ni Chen sa imbestigasyong isasagawa ukol dito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.